MANILA, Philippines — Bumalikwas ang PLDT mula sa kabiguan matapos walisin ang Farm Fresh, 25-20, 25-23, 25-23, sa Pool A ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Bumira si Russian import Elena Samoilenko ng 22 points tampok ang 20 attacks, habang nagtala si setter Kim Fajardo ng 12 excellent sets para sa 4-1 record ng High Speed Hitters.
Nagtapos ang two-game winning run ng Foxies para sa 2-3 baraha.
“Happy na nairaos iyong bracket. Sana makatulong iyong momentum going sa crossover,” ani PLDT coach Rald Ricafort. “Iyong makaka-crossover naman namin parang hindi naman talaga sila bottom three eh kung iisipin.”
Ang top three teams sa Pool A ang sasagupa sa Pool B bottom three teams na two-time defending champion Petro Gazz (2-3), Choco Mucho (1-4) at ZUS Coffee (0-5) sa Pool C sa crossover second round.
Aabante ang Top 8 squads sa knockout quarterfinals.
Pinamunuan ni Trisha Tubu ang Farm Fresh sa kanyang 17 points kasunod ang 11 markers ni American import Yeny Murillo.
Nahirapan ang High Speed Hitters sa Foxies na ibinaon nila sa 2-0 bago nakadikit ang huli sa 23-24 agwat sa third set.
Ngunit ang double-block nina Mika Reyes at Fiola Ceballos, tumipa ng 11 points at 10 excellent digs, ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng PLDT sa Farm Fresh.
Samantala, dumiretso ang Creamline sa ikaapat na sunod na panalo matapos ang 25-18, 25-18, 25-20 paggupo sa Nxled.