PARIS -- Nagtapos sa mapait na kabiguan ang kampanya ni national lady boxer Nesthy Petecio sa 2024 Olympics Games sa semifinals dito sa Stade Roland Garros.
Bigo si Petecio na makuha ang pangarap na gold medal sa kanyang ikalawang sunod na Olympic finals matapos ang kabiguan kay Julia Szeremeta ng Poland para makuntento sa bronze medal.
Idinagdag ito ng Pinay fighter sa nauna niyang silver medal sa Tokyo Games noong 2021.
“Sobrang labo, sobrang labo talaga,” wika ni Petecio sa pagkatalo niya kay Szeremeta. “Wala siyang clear punch sa third round, iyong body shots ko, hook ko pumapasok, hindi ko alam kung ano ang nangyari.”
Ibinigay ng mga judges sa Polish boxer ang 4-1 iskor sa kanilang 57kg semis bout.
Nakatutok sa tsansa para sa Olympic gold, nagdasal si Petecio sa kanyang corner pag-akyat niya ng ring bago kunin ang 5-0 bentahe sa first round.
Ngunit rumesbak si Szeremeta para sa 4-1 lead sa second round.
Sa third round ay naging mas determinado si Petecio na manalo, habang agresibo naman si Szeremeta sa kanyang mga binitawang suntok na hindi tumama sa Pinay.
Sa pagtatapos ng laban ay ibinigay ng mga judges ang panalo kay Szeremeta.
Hindi naitago ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino ang kanyang pagkadismaya sa desisyon na kinatigan nina POC secretary general Wharton Chan at rowing chief Patrick Gregorio.
“Remnants of AIBA,” sabi ni Tolentino sa international boxing na inalis ng International Olympic Committee dahil sa corruption issues at iba pa.
“Akala ko akin, hindi ko alam kung ano ang nangyari,” sabi ni Petecio.
Ngunit sa kanyang semis finish ay gumawa ng kasaysayan si Petecio bilang unang Philippine boxer na sumuntok ng dalawang medalya sa magkasunod na Olympics.
Siya ang ikaapat na Filipino Olympian na nanalo ng multiple medals bukod kina gymnast Carlos Yulo, weightlifter Hidilyn Diaz at swimmer Teófilo Yldefonso.
“We came with five boxers and going home with two Olympic bronze medals,” ani Association of Boxing Alliances in the Philippines president Ricky Vargas.
Tinapos ng Team ABAP ang 2024 Paris Olympics sa two-bronze haul makaraan ang two-silver, one-bronze harvest sa Tokyo.