MANILA, Philippines — Malaki ang maitutulong nina veterans Christian Standhardinger at Stanley Pringle sa kampanya ng Terrafirma sa darating na PBA Season 49 Governor’s Cup.
Dadalhin ng 35-anyos na si Standhardinger at ng 37-anyos na si Pringle sa Dyip ang kanilang pagiging four-time PBA champions.
“Si Stan gusto talagang manalo niyan. Ramdam ko sa practices and tune-up games namin na gusto niyang maglaro,” sabi ni Terrafirma point guard Juami Tiongson sa 6-foot-8 na si Standhardinger.
Determinado ring magkampeon para sa Dyip si Pringle na naging PBA Rookie of the Year noong 2015 habang naglalaro para sa NorthPort Batang Pier at hinirang na Best Player of the Conference noong 2020 PBA Philippine Cup para sa Ginebra Gin Kings.
Ibinigay ng Ginebra sina Standhardinger at Pringle sa Terrafirma kapalit nina 6’4 Fil-Am guard Stephen Holt at 6’8 center Isaac Go.
“I think it’s a good fit and I’m trying to do the best to be as efficient as possible within the system of this team,” wika ni Standhardinger sa kanyang paglalaro para sa Dyip.
Samantala, ipaparada ng San Miguel si dating Memphis Grizzlies guard Jordan Adams sa pagbubukas ng PBA Governors’ Cup sa Agosto 18.
Ang 30-anyos na si Adams ang ipinalit ng Beermen kay Lithuanian Tauras Jogela bago pa magsimula ang torneo.