MANILA, Philippines — Kasabay ng paghataw sa pang-limang sunod na panalo ay ang pagwalis ng Akari sa first round.
Pumalo si American import Oly Okaro ng 24 points mula sa 22 attacks, isang block at isang service ace sa 15-25, 25-17, 25-19, 25-22 pagdaig ng Chargers sa Cignal HD Spikers sa Pool B ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nagdagdag si Ivy Lacsina ng 14 points habang may 10 markers si Ced Domingo at naglista ng 14 excellent sets si Kamille Cal.
Kinumpleto ng Akari ang five-game sweep sa kanilang grupo at ipinalasap sa Cignal ang unang kabiguan nito sa limang laro papasok sa second round.
“Kung ano naman po iyong kaya kong ibigay sa team at iyong support na kailangan ni Oly (Okaro), kami naman pong mga local players tutulungan namin siya.” wika ni Lacsina sa Chargers import.
Pinamunuan ni Venezuelan reinforcement MJ Perez ang HD Spikers sa kanyang 24 points galing sa 24 hits, samantalang may siyam at walong marka sina Riri Meneses at Ces Molina, ayon sa pagkakasunod.
Sa tournament format, ang top three teams mula sa Pool A at Pool B ay aabante sa second-round crossover kasama ang tatlong kulelat na tropa mula sa dalawang grupo.
Ang quarterfinals ay mga knockout matches kung saan haharapin ng No 1 ang No. 8, ang No. 2 laban sa No. 7, ang No. 3 kontra sa No. 6 at ang No. 4 katapat ang No. 5.
Sa ikalawang laro, bumanat si Russian import Marina Tushova ng 32 points sa 18-25, 25-20, 25-19, 25-18 panalo ng Capital1 Solar Energy sa ZUS Coffee.
Nagdagdag si Des Clemente ng 12 markers para sa 3-2 kartada ng Solar Spikers papunta sa second round.
Binanderahan ni Japanese import Asaka Tamaru ang Thunderbelles, bagsak sa 0-5 marka, sa kanyang 22 points at may 12 markers si Dolly Verzosa.