MANILA, Philippines — Instant millionaire si two-time world champion Carlos Edriel Yulo na matagumpay na nasungkit ang gintong medalya sa men’s floor exercise sa Paris Olympics.
Nangunguna na sa listahan ng matatanggap nito ang tumataginting na P10 milyon mula sa gobyerno.
Nakasaad sa Under Republic Act 10699 o mas kilala sa tawag na ‘Sports Benefits and Incentives Act of 2001,’ tatanggap ang gold medalist sa Olympic Games at Winter Olympics ng P10 milyon kasama ang Olympic Gold Medal of Valor mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
Magkakamit naman ang silver medalists ng P5 milyon habang may P2 milyon naman para sa bronze medalists.
Kabilang pa rito ang isang brand-new na condominum unit sa pamosong McKinley Hill sa Taguig City na nagkakahalaga ng P24 milyon mula sa Megaworld.
“It’s a gold for the Philippines! Congratulations Carlos Yulo! Welcome to your McKinley Hill home!” ayon sa post ng Megaworld.
Bukod pa rito ang iba pang pangako ng malalaking kumpanya para kay Yulo.
Inaasahang bubuhos pa ang insentibong makukuha ni Yulo gaya nang nangyari kay Tokyo Olympics gold medalist Hidiyn Diaz.
Isang buffet restaurant ang nangako ng lifetime buffet para kay Yulo kung saan maari itong kumain anumang oras naisin nito.
Magbibigay din ng bahay si Philippine Olympic Committee (POC) president Bambol Tolentino tulad ng ginawa nito noon kina Diaz, Tokyo Olympics silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at bronze winner Eumir Marcial.
Nasungkit ni Yulo ang gintong medalya matapos makakuha ng impresibong 15.000 puntos sa finals ng floor exercise.