PARIS -- Humugot si Aira Villegas ng motivation mula sa kanyang mga napatalsik na teammates para talunin si home bet Wassila Lkhadiri sa kanilang 50kg quarterfinals bout papasok sa semifinal round.
Sa kanyang pag-entra sa semifinals ay nakatiyak na si Villegas ng bronze medal.
Nakataya ang kanyang kapalaran matapos ang second round, nagdesisyon si Villegas na huwag palampasin ang tsansa para ipanalo ang isa sa pinakadikit na laban sa 2024 Olympics boxing competition sa North Paris Arena.
Itinakas ni Villegas ang isang 3-2 split decision laban kay Lkhadiri papasok sa semifinals ilang oras matapos ang historic golden performance ni gymnast Carlos Yulo sa floor exercise.
“Grabe po, sobrang nagpapasalamat ako kay God. Lalo na ‘yung sa last round kasi nagtabla kami nun. Sabi ni coach (Rey Galido), hahayaan mo ba na kunin niya yun? Sabi ko, hindi, akin ito. Kailangan kong bumawi kasi last year, natalo niya ako,” ani Villegas.
“Dapat this year, comeback ko ito kasi February 2023, siya yung nakatalo sa akin, 3-2. So sabi ko kailangan ko itong kunin, last round,” dagdag nito.
Sasagupain ng tubong Tacloban sa semifinals si Buse Naz Cakiroglu ng Turkey kung saan ang mananalo ang lalaban sa magwawagi sa semis bout nina Chinese Wu Yu at Kazakhstan Nazym Kyzaibay para sa gold medal.
May 2-0 record ang Pilipinas laban sa France sa boxing competition.
Nauna nang tinalo ni Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio si French fighter Amina Zidani, 4-1, sa patungo sa quarterfinals ng women’s 57kg division.
Sinabi ni Villegas na naging inspirasyon niya ang tagumpay ni Yulo sa gymnastics hall bukod sa hangad na pagbawi para kina teammates Eumir Marcial at Carlo Paalam.
“Inaalay ko rin po ito sa mga kasamahan ko, lalo na kay Eumir at kay Carlo, nalungkot ako na natalo sila,” ani Villegas. “So sabi ko, gagawin ko na lang siyang motivation para ibawi yung kasamahan ko.”