MANILA, Philippines — Magdaraos ang PBA ng tradisyunal na Media Day ngayon at bukas dalawang linggo bago buksan ang Season 49 Governors’ Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Inaasahang lalahok ang 12 koponan sa nasabing event sa Le Park Event Hall sa Pasay City.
Sasalang ang mga tropa sa mga photo shoots, interviews ng print, online at tv reporters at iba pang aktibidad.
Ipaparada rin ang mga rookies na napili sa nakaraang Season 49 PBA Draft at mga imports na sasabak sa PBA Governors’ Cup na magsisimula sa Agosto 18.
Sasalang sa Day One ng Media Day ang TNT Tropang Giga, Terrafirma Dyip, San Miguel Beermen, Rain or Shine Elasto Painters, Phoenix Fuel Masters at NorthPort Batang Pier.
Kinabukasan ay makikibahagi ang Barangay Ginebra Gin Kings, NLEX Road Warriors, Meralco Bolts, Magnolia Hotshots, Converge FiberXers at Blackwater Bossing.
Ito ang pang-limang pagkakataon na magsasagawa ang PBA ng pre-season Media Day na inilunsad ni Commissioner Willie Marcial noong 2018 sa Solaire Hotel.
Sumunod dito ay noong 2019 sa Okada Hotel, 2022 sa Novotel at 2023 sa Esplanade.
Kinansela naman ang Media Day noong 2020 at 2021 dahil sa pandemya.