Unang gold ng pinas binigay ni Yulo
MANILA, Philippines — Matapos si weightlifter Hidilyn Diaz noong 2021 ay si gymnast Carlos Yulo naman ang nagbigay sa Pilipinas ng ikalawang gold medal sa Olympic Games.
Inangkin ng 24-anyos na tubong Leveriza, Manila ang ginto mula sa nahakot na 15.000 points sa paborito niyang men’s artistic gymnastics floor exercise event kahapon sa 2024 Olympics sa Bercy Arena sa Paris, France.
Matapos opisyal na ideklara na siya ang nagwagi ay bumuhos na ang luha ni Yulo at napaupo sa sahig.
Tinalo ni Yulo para sa gold medal sina Artem Dolgopyat (14.966 points) ng Israel at Jake Jarman (14.933 points) ng Great Britain.
Nauna nang naglista si Yulo ng 14.766 points sa qualification ng nasabing event matapos magposte ng 14.333 points sa nakaraang all-around finals kung saan siya nabigong makakuha ng medalya.
Sa 2021 Tokyo Games ginawa ni Yulo ang kanyang Olympic debut.
Ngunit dahil sa kakulangan sa eksperyensa ay tumapos si Yulo bilang No. 44 sa individual all-around at nabigong mag-qualify sa floor exercise.
Nakatakda pa siyang sumabak sa vault finals ngayon kung saan maaari siyang maging kauna-unahang Pinoy athlete na nanalo ng dalawang Olympic gold.
Sa boxing, minalas si Tokyo Olympics silver medalist Carlo Paalam na makapasok sa semifinals at makatiyak ng bronze medal sa men’s 57kg division matapos ang 2-3 split decision loss kay Charlie Senior sa Australia sa quarterfinal bout.
- Latest