Alas Pilipinas sasagupa sa Thailand sa SEA V.League
MANILA, Philippines — Inaasahang gagamitin ng Alas Pilipinas ang kanilang mga natutunan sa training camp sa Osaka, Japan sa pagsabak sa two-leg Southeast Asian Volleyball League (SEA V.League).
Hinarap kagabi ng mga Pinay spikers ang mga Vietnamese at nakatakdang labanan ang mga nagdedepensang Thais ngayong alas-3 ng hapon sa Huang Phueng sa Vietnam.
Naglalaro ang Alas Pilipinas na wala si collegiate star Angel Canino na nagsasanay sa De La Salle University para sa darating na UAAP Season 87.
Matapos ang Thailand ay sunod na sasagupain ng tropa ni Brazilian coach Jorge Edson Souza de Brito ang Indonesia bukas ng alas-5 ng hapon.
Ang second leg ng SEA V.League, dating kilalang ASEAN Grand Prix, ay gagawin sa Thailand sa Agosto 9 hanggang 11.
Sa Agosto 9 ay makakatapat ng mga Pinay spikers ang mga Thais kasunod ang mga Vietnamese sa Agosto 10 at ang mga Indonesians sa Agosto 11.
- Latest