Aira mapapalaban sa French boxer
MANILA, Philippines — Daraan sa matinding pagsubok si Aira Villegas dahil makakasagupa nito ang hometown bet sa quarterfinals ng 2024 Paris Olympics boxing competitions.
Kaya naman inaasahang ibubuhos na ni Villegas ang lahat ng itinatago nitong lakas upang makahirit ng tiket sa semifinals ng women’s 50 kg division.
Kung makakapasok si Villegas sa semis, awtomatiko itong makasisiguro ng tansong medalya para sa Team Philippines.
Subalit kailangan muna nitong malusutan si Wassila Lkhadiri ng host France bago maisakatuparan ang inaasam na podium finish.
Aminado ang national coaching staff na mahirap makalaban ang host country sa mga ganitong sitwasyon dahil kadalasan ay pumapabor sa kanila ang kapalaran.
Kaya naman gumagawa na ng game plan ang kampo ni Villegas upang makuha ang panalo.
Nakapasok si Villegas sa quarterfinals matapos maitarak ang panalo kay Roumaysa Boualam ng Algeria sa round of 16.
“Hopefully, fair judging,” ani Philippine Olympic Committee president Abraham ‘Bambol’ Tolentino. “The Frenchwoman’s victory over favored Irish girl was controversial.”
Nakapasok sa quarterfinals si Lkhadiri nang makuha nito ang 4-1 desisyon laban kay Daina Moorehouse ng Ireland.
Ayaw na ng coaching staff na maulit ang nangyari kay Nesthy Petecio na natalo sa finals laban sa host Japan noong 2021 Tokyo Olympics.
- Latest