Caloy mas mabagsik sa floor at vault

Caloy

MANILA, Philippines — Asahang mas magi­ging mabagsik si Carlos Yulo sa oras na sumabak ito sa finals ng men’s floor exercise at men’s vault sa 2024 Paris Olympics.

Nabigong makasungkit ng medalya si Yulo sa men’s all-around finals.

Subalit marami itong natutunan na magagamit nito sa kanyang susunod na laban.

Nagtapos lamang sa ika-12 puwesto si Yulo sa all-around matapos ang masaklap na simula nito sa pommel horse kung saan bumagsak ito sa kalagitnaan ng kanyang routine.

Nakabawi si Yulo sa iba pang apparatus subalit hindi ito sapat para makapasok sa Top 3.

Nakalikom si Yulo ng kabuuang 83.032 puntos.

Sa kabila nito, masaya si Yulo sa mga natutunan nito sa all-around.

“Marami akong natutunan. Wala akong regrets dahil masaya ako sa performance ko,” ani Yulo.

Sunod na sasalang si Yulo sa finals ng floor exercise at vault.

“Magandang chance yung all-around kasi nagawa ko ang gusto ko sa floor at sa vault. May mga adjustments na kailangang gawin sa finals ng floor at vault,” wika pa ni Yulo.

Solido ang performance ni Yulo sa floor exercise ngunit sinabi nito na kailangan pa nito ng mas magandang lan­dings upang makakuha ng mataas na puntos sa finals.

Mataas ang degree of difficulty ng performance ni Yulo at mas lalong lalakas ang tsansa nito sa gold medal kung maisasakatuparan nito ng swabe ang kanyang performance.

“Sa floor kailangan kong mag-adjust pa ng konti para mas maging maganda ang performance ko ganun din sa vault,” ani Yulo.

Show comments