Cignal dumikit sa Pool B sweep
MANILA, Philippines — Hinataw ng Cignal HD ang ikaapat na dikit na panalo matapos gibain ang nagdedepensang Petro Gazz, 25-19, 25-19, 25-22, sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng HD Spikers para mawalis ang Pool B, habang bagsak ang Gazz Angels sa 1-3 record.
Bumira si Venezuelan import MJ Perez ng team-high 20 points mula sa 16 attacks, tatlong blocks at isang service ace para muling banderahan ang Cignal kasunod ang walo at pitong marka nina Jacqueline Acuña at Ces Molina, ayon sa pagkakasunod.
“Sobrang happy kasi grabe iyong naging effort talaga ng team. Good thing lumabas talaga iyong game plan namin. Hopefully, magtuluy-tuloy pa,” ani coach Shaq delos Santos.
Binanderahan ni Fil-Am Brooke Van Sickle ang Petro Gazz sa kanyang bagong conference-high 28 points at may 14 markers si Cuban import Wilma Salas.
Matapos kunin ng HD Spikers ang 2-0 bentahe ay nakatabla ang Gazz Angels sa 21-21 sa third set mula sa isang cross-court attack ni Van Sickle.
Ngunit bumanat si Pe-rez para tuluyan nang sel-yuhan ang kanilang panalo.
Sa ikalawang laro, tinakasan ng Capital1 Solar Energy ang Choco Mucho, 13-25, 25-21, 18-25, 25-20, 15-13.
Humataw si Russian import Marina Tushova ng bagong PVL record na 45 points para sa 2-2 baraha ng Solar Spikers.
- Latest