PARIS -- Wagi si Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio sa una niyang laban matapos ang unanimous decision win kay Jaismine Lamboria ng India sa women’s 57kg Round-of-32 bout dito sa Paris North Arena.
Dinig na dinig ni Petecio ang malalakas na pagsigaw ng “Pilipinas! Pilipinas!” na nagsilbing motibasyon niya para dominahin si Lamboria.
“Iyon naman talaga ang inilalaban namin kapag akyat sa ring. Kapag lumabas kami pa ibang bansa, hindi pangalan ko ang dala-dala ko. Nakatatak sa dibdib ko (ang Pilipinas),” sabi ng Pinay boxer.
Ipinakita ni Petecio, ngayon na mas kumpiyansa at mas nasa kondisyon siya kumpara sa 2021 Tokyo Games, ang kanyang husay na nagpabilib hindi lamang sa mga Filipino supporters kundi pati na rin sa buong arena.
Dalawang puntos lamang ang isinuko ng Davaoeño sa Indian fighter sa kabuuan ng laban.
Nakakuha si Petecio ng magkakatulad na 30-27 points kina Kazakh Termek Suiyenish, Korean Jongjin Kim at Estonian Jakov Peterson, habang nagbigay sina American Shawn Reese at Moroccan Mouhsine Soulmi ng 29-28 points para kay Lamboria.
Dalawang panalo pa ang kailangan ni Petecio para makapasok sa semifinals at makatiyak ng tansong medalya.
Si Chinese Taipei star Lin Yu Ting, isa sa dalawang boxers na na-disqualify sa world championships noong 2023 dahil sa gender eligibility issue at pinayagang maglaro dito sa Paris Olympics, ang posibleng sunod na makatapat ni Petecio.
Tinalo na ni Petecio si Lin sa una nilang pagkikita sa Tokyo Games.