PARIS - Maganda ang naging simula ng kampanya ni Pinay boxer Aira Villegas matapos umiskor ng unanimous win kontra kay Yasmine Mouttaki ng Morocco sa Round of 32 ng women’s 50kg division sa 2024 Olympic Games dito sa North Paris Arena.
Matapos ang panalo ay nagpasalamat sa kanyang mga coaches ang 26-anyos na tubong Tacloban.
“Thankful ako sa mga coaches sa suporta nila. Pinakinggan ko lang ‘yung mga sinasabi nila,” sabi ni Villegas kina coaches Reynaldo Galido at Ronald Chavez.
“Iba talaga ang Olympics, ang bigat ng pressure. Medyo nabawasan ng panalo ni Aira. At sana diretso-diretso,” dagdag ni Galido.
Nakatakdang sagupain ni Villegas sa Round of 16 si second seed Roumaysa Boualam ng Algeria.
Sina Villegas at Boualam ay parehong nag-training sa Germany bago sumabak sa Paris Games.
“Alam ni Villegas na laruin iyan,” ani Galido.
Matapos si Villegas ay sunod na aakyat sa ibabaw ng boxing ring sina Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio at bronze medal winner Eumir Felix Marcial.
Lalabanan ni Petecio ang isang Indian fighter sa women’s 57kg Round of 32 at haharapin ni Marcial si Turabek Khabibullaev ng Uzbekistan sa 80kg Round of 16.
Malaki ang inaasahan kina Petecio at Marcial na makapasok sa final round ng kani-kanilang kategorya matapos ang 1-2-1 gold-silver-bronze showing sa Tokyo noong 2021 kasama si silver medalist Carlo Paalam.
Sasalang din sa aksyon sina swimmer Kayla Sanchez sa women’s 100m freestyle at judoka Kiyomi Watanabe, habang sasagwan si rower Joanie Delgaco sa women’s single sculls quarterfinals.
Sa Bercy Arena, bigo sina Filipina gymnasts Levi Ruivivar, Emma Malabuyo at Aleah Finnegan na makapasok sa final round ng women’s artistic gymnastics.
Tumapos si Finnegan sa No. 17 sa kabuuang 20 competitors sa vault, si Ruivivar ay No. 40 sa 80 entries sa uneven bars at si Malabuyo ay No. 57 sa 79 sa balance beam at No. 25 sa 77 sa floor exercise.
Ang top eight lamang sa bawat event ang aabante sa finals.