Sa ROTC games Luzon leg
MANILA, Philippines — Umpisa na ng labanan ngayon para sa gintong medalya sa 2nd Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games Luzon NCR Leg.
Pag-aagawan ang anim na gold medals sa athletics event na idaraos sa Cavite State University (CvSU) Indang Track Oval, habang lima ang nakalatag sa swimming competition sa De La Salle University-Dasmarinas.
Nakatakda ang finals ng women’s 1,500-meter run sa alas-7 ng umaga na susundan ng men’s 1,500m, women’s at men’s long jump, women’s at men’s 200m.
Bubuksan naman ang mga labanan swimming pool sa alas-8:30 ng umaga sa pamamagitan ng 200m Individual Medley kasunod ang 100m freestyle, 50m butterfly, 50m backstroke at 200m breaststroke.
May ginto ring pag-aagawan sa men’s at women’s forms competition ng arnis sa CvSU Indang International Convention Center at sa raiders competition sa CvSU Softball Field.
Samantala, binuksan na kahapon ang mga qualifying round ng men’s basketball sa Robinsons Tagaytay Basketball Court at City College of Tagaytay, women’s volleyball sa CvSU Quadrangle at boxing sa Tagaytay Combat Sports Center.
Magsisimula na rin ang mga eliminasyon sa table tennis sa CvSU Gymnasium, sepak takraw sa Sigtuna Hall at chess sa CvSU Rolle Hall.