MANILA, Philippines — Matapos ang makulay na opening ceremony kahapon ay pakakawalan ngayong araw ang mga eliminasyon sa anim sa 14 sports events ng 2nd Philippine Reserve Officers Training Corps (ROTC) Games sa Tagaytay City at Indang, Cavite.
Sisimulan ang mga labanan sa 5-on-5 basketball, boxing, chess, sepak takraw, table tennis at indoor volleyball habang kahapon binuksan ang raiders competition.
Nakatakda naman bukas ang mga finals ng swimming at raiders competition kasabay ng qualifying phase ng target shooting.
Pormal na binuksan ni Sen. Francis Tolentino ang ROTC Games Luzon Leg kasama sina Sen. Robin Padilla, Cavite State University (CvSU) president Hernando D. Robles, Philippine Sports Commissioner Fritz Gaston at mga opisyales ng Department of National Defense at Commissioner on Higher Education.
“Sa ngalan po, in behalf of the organizing committee of the 2024 ROTC Games Luzon Leg, by virtue of the powers given to me by the Senate Committee, I hereby declare formally open the 2024 ROTC Games Luzon Leg,” ani Tolentino.
Ang Senador ang may orihinal na konsepto ng ROTC Games na inilunsad niya noong nakaraang taon.
Kabuuang 2,820 ang nakalista sa masterlist para sa Luzon Leg na mas marami kumpara sa 1,703 ng Visayas Leg sa Bacolod City at sa 1,650 ng Mindanao Leg sa Zamboanga City.
Nagbigay si Padilla ng P500,000 para sa isang lechon baka at dagdag na pondo para sa pagdaraos ng event.