MANILA, Philippines — Ilalabas ni Manny Pacquiao an gbuong lakas nito sa oras na muli itong tumuntong sa ibabaw ng ring para sa exhibition match nito na gaganapin sa Japan bukas (Linggo) sa Saitama Super Arena sa Saitaman, Japan.
Nasa mataas na lebel na ang ensayo ni Pacquiao para masigurong nasa perpektong kundisyon ito para sa laban nito kay Japanese mixed martial artist Rukiya Anpo.
Si Anpo ang pinakamatangkad na makakalaban ni Pacquiao sa kaniyang boxing career.
May taas itong 6-foot-0.
Mas mataas lamang si Anpo ng one inch kay Mexican fighter Antonio Margarito na nakalaban ni Pacquiao noong 2010 sa Arlington, Texas.
Kaya naman walang puwang ang pagiging kumpiyansa sa labang tatakbo ng tatlong rounds na may tigagatlong minuto.
Sumalang sa matinding workout si Pacquiao sa Kyokuto Gym sa Tokyo kasama si veteran trainer Buboy Fernandez.
Kitang-kita na wala pa ring bahid ng pagbagal ang kamao ni Pacquiao na nananatiling malakas at pamatay.
Sa katunayan, bago tumulak sa Japan, dumaan muna sa puspusang ensayo si Pacquiao sa General Santos City sa loob ng dalawang buwan.
Hindi birong kalaban si Anpo.
Dati itong K-1 super lightweight champion at 2021 K-1 welterweight Gran Prix runner-up.
Mahusay sa kickboxing si Anpo.
Subalit mabibigyan ito ng $5 milyon na multa o halos P300 milyon sa oras na gamitin nito ang kaniyang kickboxing skills sa laban.
Nakasaad ito sa kontratang pinirmahan nina Pacquiao at Anpo.