MANILA, Philippines – Kinilala sina veteran internationalists Jamesrey Mishael Ajido at Jerard Dominic Jacinto bilang Most Outstanding Swimmers (MOS) sa Speedo Sprint Meet sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila noong Linggo.
Kumolekta si Ajido ng tatlong gintong medalya sa boys' 15-yrs-old 100m Individual Medley (59.74), 50m backstroke (27.73) at 50m butterfly (25.10) sa torneong inorganisa ng Speedo at may basbas ng Philippine Aquatics Inc. (PAI) at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Sana, magtuluy-tuloy since pinaghahandaan ko po iyong national tryouts next month,” sabi ng 15-anyos na Grade 10 student sa De La Salle Greenhills at gold medalist sa Asian Age group championship noong Pebrero sa New Clark City.
Ang national trials ay nakatakda sa Agosto 15-18 (long course) at Agosto 20-23 (short course) sa RMSC at gagamitin para sa pagpili ng mga miyembro ng Philippine Team na ilalahok sa 46th Southeast Asian Age Group Swimming Championships sa Disyembre, sa 55th Singapore National Age Group, sa 6th Malaysian Open Swimming at sa World Aquatics short course series sa susunod na taon.
Nanalo naman si Jacinto sa boys' 17-over class 50m backstroke sa bilis na 25.45 segundo laban sa FTW Royals teammate niyang si Ryan Belenag (26.98) at kay Raven Henry (27.99) ng Betta Caloocan.
Inangkin ni Jacinto ang kanyang unang gintong medalya sa 50m butterfly sa oras na 24.82 segundo.
Ang iba pang nagwagi ay sina Sebastian Liberato ng Paraiso ni Baste sa boys' 15-yrs 50m backstroke (34.29), Paul Casas sa boys' 16-yrs (31.92), Ace Faustino sa boys' 14-yrs (33.68), Calvin Poblete sa boys' 10-yrs. (44.31), Keane Payuran sa boys' 15-yrs 100m IM (1:04.74), Ethan Elimos sa boys' 13-yrs 50m butterfly (31.66), Franz Macalinao sa boys' 14-yrs (29.81), Kade Baluyot sa girls' 14-yrs 50m butterfly (35.83), Athena Del Rosario sa girls' 11-yrs (43.05) at Jamie Sy sa girls' 13-yrs (32.29).