Naihatid na sa kanyang huling hantungan si Chino Trinidad, ang pamosong sports figure at kapatid natin sa industriya.
Bata pa si Chino. Itong Martes sana ang 57th birthday.
Biglaan ang pagkamatay. Massive heart attack na nangyari habang papunta siya sa isang meeting last week.
Isinugod sa ospital at hindi nagtagal, pumanaw si Chino.
Nakasama natin si Chino mula noong kumukober pa siya ng Marlboro Tour at PBA hanggang sa naging commissioner siya ng Philippine Basketball League.
Sumikat pa siya as sports anchor ng 24 Oras. Hanggang sa kanyang mga huling sandali, very active si Chino tumutulong sa kanyang mga favorite sports – basketball, boxing at billiards.
Marami pa sanang plano sa buhay si Chino, na may tatlong anak sa kanyang asawa for 34 years na si Babette.
Akala ko, gout lang ang kalaban ni Chino dahil madalas ko siya makita na sinusumpong nito. Kaya niya ito tawanan.
Kaya maraming nagulat sa kanyang pagpanaw. Bumisita tayo sa lamay at umapaw ang bulaklak at bisita.
Naron ang kanyang mga magulang – si Ka Recah, ang batikan na sports columnist, at si Tita Fe, na dating sports photographer.
Tinabihan namin si Ka Recah para makiramay. At sinuklian niya kami ng magagandang kwento sa larangan ng sports.
Bakas ang kalungkutan at tapang sa mga mata ni Ka Recah. Sa edad na 81, marahil eh never niya na-imagine ang ganitong pangyayari.
“Ibang klaseng experience ito,” ang wika ni Ka Recah.
Nakikiramay po kami.