Creamline ibabaling ang galit sa Farm Fresh
MANILA, Philippines — Ang pagbawi sa unang kabiguan ang hangad ng Creamline sa pagsagupa sa Farm Fresh sa Pool A ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Maghaharap ang Cool Smashers at Foxies ngayong alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Bagama’t maganda ang inilaro ay hindi pa rin kuntento si Erica Staunton sa kanyang ipinakita sa five-set loss ng Creamline sa PLDT.
Humataw ang American import ng 20 points mula sa 16 attacks, dalawang blocks at dalawang aces sa 25-16, 22-25, 26-24, 19-25, 12-15 kabiguan ng Cool Smashers sa High Speed Hitters.
“When it comes to a loss, you can always play better,” ani Staunton. “Offensively, I learned a lot because PLDT had incredible defense, so next game I should take smarter shots and maybe not try to swing so hard.”
Nagdagdag si Bernadeth Pons ng 18 markers at may 16 at pinagsamang 15 points sina Michele Gumabao, Pangs Panaga at Bea de Leon, ayon sa pagkakasunod.
Hindi naglaro sina Jema Galanza, Tots Carlos at Alyssa Valdez, habang wala sa line-up ng PLDT sina Fil-Am hitter Savi Davison at Kim Dy.
Target ng Cool Smashers ang ‘three-peat’ matapos pagreynahan ang nakaraang dalawang PVL All-Filipino Conference.
Sa unang laro sa alas-2 ng hapon ay magtutuos ang Chery Tiggo at Nxled kasunod ang upakan ng PLDT at Galeries Tower sa alas-4 ng hapon.
Tinalo ng Crossovers ang Foxies, 25-13, 27-25, 25-22, habang tinakasan ng Chameleons ang Highrisers, 25-19, 22-25, 25-18, 25-27, 15-12, para sa kanilang 1-0 record.
- Latest