5 individual golds na-sweep ni Mojdeh
MANILA, Philippines — Maningning ang final year ni Micaela Jasmine Mojdeh ng Calabarzon Region nang angkinin nito ang limang ginto sa 2024 Palarong Pambansa na ginaganap sa Cebu City.
Nagpasiklab pa si Mojdeh sa huling araw ng swimming competition kung saan nasungkit ng two-time World Junior Championships veteran ang gintong medalya sa girls secondary 400m individual medley.
Nagrehistro ang 18-anyos Brent International School-Manila standout ng impresibong limang minuto at 12.18 segundo sapat para ilampaso ang kanyang mga karibal sa naturang event.
Nauna nang nakahirit ng ginto si Mojdeh sa 200m butterfly event nang magtala ito ng bagong rekord na 2:19.72 para wasakin ang kanyang dating marka sa 2019 Palaro na 2:22.69.
Muli itong naglista ng bagong rekord sa 200m breaststroke tangan ang matikas na 2:41.75 para burahin ang 2:43.78 na dating marka ni Xiandi Chua.
Wagi rin si Mojdeh ng ginto sa 200m individual medley sa pamamagitan ng 2:26.68 at sa 100m butterfly event kung saan nagtala ito ng 1:03.82.
Samantala, kumana sina Francheska Dezzly Darvin at Bhenz Rudolf Owen Semilla ng Davao Region ng limang gintong medalya sa Dancesport Competition.
Namayagpag ang Davao duo sa Junior Five Dance Standard, Junior Single Dance Waltz, Tango, Viennese Waltz at Foxtrot.
Umaasa ang Department of Education na darating sa closing ceremony si Vice President at dating DepEd Secretary Sara Duterte sa Hulyo 16.
- Latest