Staunton may papel sa misyon ng Creamline
MANILA, Philippines — Puntirya ng Creamline ang ‘three-peat’ sa pagsabak sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference na hahataw bukas sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kumpiyansa si team captain Alyssa Valdez sa magiging kontribusyon ni American reinforcement Erica Staunton para sa misyon ng Cool Smashers na winalis ang huling dalawang PVL All-Filipino Conference.
“Erica truly complements our team in character, attitude and playing style,” wika ng 31-anyos na si Valdez kay Staunton. “For me, it’s clear that she perfectly fits our system.”
Hangad ng Creamline na muling mapasakamay ang Reinforced Conference title na kanilang napagwagian noong 2018.
Ang Petro Gazz ang umangkin sa korona noong 2019 at 2022 habang hindi naidaos ang torneo noong nakaraang taon.
“So far, the adjustment has been excellent. The time given to us to integrate our import has been fruitful. Now, we’re just waiting for the game results,” ani coach Sherwin Meneses sa 6-foot-1 na si Staunton.
Ang 23-anyos na American import ang sasalo sa maiiwang trabaho ni Jema Galanza na kasalukuyang naglalaro para sa Alas Pilipinas.
Masusubukan ng Cool Smashers si Staunton sa pagsagupa sa PLDT High Speed Hitters bukas ng alas-6 ng gabi sa triple-header ng Reinforced Conference.
Magtutuos ang Galeries Tower at Nxled sa unang laro sa alas-2 ng kasunod ang salpukan ng Chery Tiggo at Farm Fresh sa alas-4 ng hapon.
- Latest