NU-FEU sa SSL Finals

Hinatawan ni Bella Belen ng NU si Judiel Nitura ng Letran sa semifinals ng SSL National Invitationals.
STAR/ File

MANILA, Philippines —  Dumiretso ang National University Lady Bulldogs sa Finals matapos nilang lapain ang Letran Lady Knights, 25-19, 25-18, 25-21 sa 2024 Shakey’s Super League (SSL) National Invitationals do-or-die semifinal na nilaro sa Ninoy Aquino Stadium kahapon.

Ipinaramdam ng reig­ning UAAP Queens, Lady Bulldogs ang kanilang bangis matapos maghuramentado sa opensa si Bella Belen na nagtala ng 18 points mula sa 14 kills, tatlong service aces at isang block.

Hindi pa rin nakakatikim ng talo kahit isang set ang NU sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Eurotel, Victory Liner, Team Rebel Sports at Mikasa,

“Happy na nanalo kami and will play in the cham­pionship. Everybody played their role pero need pa rin talaga ng connections especially yung mga new players,” ani Lady Bulldogs head coach Norman Miguel.

Tumikada rin si Arah Panique ng siyam na puntos para sa NU na puntirya na masungkit muli ang korona matapos mag reyna sa unang dalawang editions.

Nakapaglaro sina, Belen at Panique ma­ta­pos,mausog ang petsa ng iskedyul ng Alas Pilipinas’ Japan training camp.

Bumakas din para sa NU sina Erin Pangilinan na may walong puntos, Vange Alinsug at Aishat Bello ng tig-anim na puntos.

Samantala, naikasa ng Far Eastern University Lady Tamaraws ang kanilang finals showdown ng Lady Bulldogs matapos suwagin ang College of Saint Benilde Lady Bla­zers, 25-16, 25-16, 25-16.

Magsisimula ang bakbakan ng Lady Tamarawas at Lady Bulldogs sa Game 1 ng best-of-three finals ngayong alas-4 ng hapon sa parehong lugar.

Inaasahang sasandalan ng Lady Bulldogs si Belen upang magpatuloy ang kanilang pamama­yagpag.

Show comments