Big City athletes kumawala na sa Palaro
MANILA, Philippines — Umarangkada ang National Capital Region (NCR) upang makuha ang liderato sa medal tally ng 2024 Palarong Pambansa na ginaganap sa Cebu City.
Nakalikom na ang Big City ng 37 gintong medalya kasama ang 21 pilak at 32 tanso upang maagaw ang unang puwesto sa Calabarzon Region.
Mula sa unang puwesto, nahulog sa ikalawa ang Calabarzon na may 30 ginto, 16 pilak at 25 tansong medalya.
Nasa ikatlong posisyon naman ang Western Visayas na may 19-19-18 habang ikaapat ang host Central Visayas na may 16-25-10 at ikalima ang Davao Region na may 14-15-12.
Nagdagdag ng dalawang gintong medalya para sa NCR si Eliza Yulo — ang nakababatang kapatid ni world champion Carlos Edriel Yulo — sa girls secondary artistic gymnastics sa Cebu Institute of Technology - University (CIT-U)/
Umani si Yulo ng kabuuang 42.25 puntos para masiguro ang ginto sa kanyang dibisyon.
Tinalo ni Yulo ang katropa nito sa NCR na sina Cielo Esliza na may 41.20 pujtos at Amara Lagdameo na may 38.05 puntos na nagkasya sa pilak at tanso, ayon sa pagkakasunod.
Nakahirit pa si Yulo ng gintong medalya sa team event kasama sina Esliza at Lagdameo.
Nagtala ang tatlo ng kabuuang 121.5 points para talunin ang Western Visayas na nagbulsa ng pilak at ang Central Luzon at Calabarzon na parehong may tanso.
Nagdagdag naman ng gintong medalya si Eljay Marc Vista para sa NCR mula naman sa Individual Poomsae Secondary Boys Taekwondo Competition.
Umiskor si Vista ng 8.667 para masiguro ang ginto sa event na ginanap sa Mountain Wing Atrium ng SM Seaside City.
Tinalo ni Vista si Caleb Angelo Calde ng National Academy of Sports na may 8.567 points.
- Latest