MANILA, Philippines — Kakatawanin ng mga koponan mula Luzon, Visayas at Mindanao ang Pilipinas sa darating na PSL Global Championship Challenge.
Kinumpleto ito ng Davao City at Cebu-USJR matapos talunin ang kani-kanilang mga karibal sa katatapos lamang na PSL National Finals na ginanap sa Filoil-EcoOil Centre sa San Juan City.
Dinaig ng Cebu-USJR ang Pangasinan, 83-71, matapos bumomba ng 30 points sa fourth quarter.
Tuluyan nilang inangkin ang titulo sa Born 2006 division.
Samantala, pinabagsak naman ng Davao City ang Davao Occidental, 80-64, para maghari sa Born 2004 division.
Nagningning para sa panalo ng Davao City si John Eimrod Rodulfa na nagtala ng muntik nang triple-double na 30 points, 12 assists at 9 rebounds.
Dahil dito ay hinirang si Rodulfa bilang Most Valuable Player ng Born 2004 division.
Sasamahan ng Cebu -USJR at Davao City sa PSL Global Championship Challenge ang Pampanga na nauna nang kinopo ang korona sa Born 2008 division sa 85-79 panalo sa Caloocan kamakalawa.
Ang tatlong koponan ang kakatawan sa Pilipinas sa iba’t-ibang kategorya
Ang Global Championship Challenge ang tumatayong flagship event ng Pilipinas Super League.
Didribol ang nasabing torneo sa Lunes sa Smart Araneta Coliseum.