MANILA, Philippines — Aarangkada na ang Strong Group-Pilipinas para sa misyon nitong maibalik ang korona sa bansa sa pagsagupa sa koponan ng United Arab Emirates sa 43rd William Jones Cup ngayon sa Taipei.
Sisiklab ang aksyon ng dalawang tropa sa ala-1 ng hapon tampok ang mithiin ng Nationals na maipanalo ang ika-pitong Jones Cup title ng bansa.
Noong 2019 pa huling nagkampeon ang Pinas sa annual invitational tournament sa likod ng Mighty Sports.
Ngayon ay sasandal ang Strong Group sa pinalakas nitong puwersa at karanasan mula sa runner-up finish sa 33rd Dubai International Basketball Championship noong Enero upang masundan ang korona.
Mamando si coach Charles Tiu, siya ring head coach noon ng Mighty, sa koponang babanderahan nina Gilas Pilipinas naturalized player Ange Kouame, Kiefer Ravena, Jordan Heading, RJ Abarrientos, Dave Ildefonso at ang lumilipad na si Rhenz Abando.
Swak din sina Fil-American aces Caelan Tiongson at DJ Fenner kasama ang mga bagito pero palabang sina Titing Manalili, Tony Ynot, Allen Liwag at Geo Chiu.
Makakasama naman sa frontline ni Koaume ang dating PBA champion import ng San Miguel na si Chris McCullough at si American big man Tajuan Agee para sa triple-tower combo ng Strong Group.
Pagkatapos ng UAE ay sunod na makakaharap ng Strong Group ang BSBL Guardians ng Australia, Ukraine, Malaysia, Future Sports USA, Japan U22, China White at China Blue.