MANILA, Philippines – Kinalimutan ng Pampanga ang masaklap na kabiguan sa nakaraang Luzon Finals matapos talunin ang Caloocan, 85-79, sa Born 2008 division ng PSL National Finals kahapon sa Filoil-EcoOil Centre San Juan.
Ang Pampanga ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa Global Championship Challenge sa Hulyo 15 sa Smart Araneta Coliseum.
Ang PSL Global Challenge ay binubuo ng pitong bansa, kabilang ang mga kinatawan ng Pilipinas sa iba’t-ibang kategorya — Born 2004, 2006 at 2008.
Bukod sa Pilipinas, ang iba pang mga kalahok ay ang Thailand, United Kingdom, Italy, North America, Canada and New Zealand na pawang lalaruan ng mga Pinoy players na nakabase sa mga bansang nabanggit.
Balansyadong opensiba ang ipinamalas ng Pampanga kung saan lima sa kanilang koponan ang tumapos na may double figures kasama ang 20 points ni Chester Tulabut.
Humakot naman ng 14 points, 10 rebounds at four assists si Yujin Peña.
Double-double rin ang ginawa ni Iverson Pineda na may 13 points at 12 assists.
Nag-ambag si Kent Lagman ng 12 points kasunod ang 10 markers ni Jay Castro.