PATAFA kumpiyansa sa tsansa ni Obiena sa Paris Olympics
MANILA, Philippines — Bukod kay pole vaulter EJ Obiena ay aasahan din ng Pilipinas sa 2024 Paris Olympic Games sina hurdlers Lauren Hoffman at John Cabang-Tolentino.
Kumpiyansa ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) sa tsansa nina Obiena, Hoffman at Cabang-Tolentino na makapag-uwi ng medalya sa quadrennial event.
“We’re positive about our chances. I don’t want to put pressure on these guys. But we know they’ve been training hard for them to reach this stage,” wika kahapon ni PATAFA secretary-general Jasper Tanhueco sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Rizal Memorial Complex.
Sina Obiena, Hoffman at Cabang-Tolentino ay kasama sa 19 pang miyembro ng Team Philippines na tatarget ng gold medal sa Paris Olympics.
Sa tatlong atleta ng PATAFA, ang 6-foot-2 na si Obiena ang may pinakamalaking pag-asang makakuha ng medalya sa Paris Olympics bagama’t bigo siya sa una niyang paglahok sa 2020 Tokyo Games.
Si Miguel White ang huling Filipino trackster na nanalo ng medalya sa Olympics matapos magtakbo ng bronze sa men’s 400 meter hurdles noong 1936 Berlin Games.
“We just need to believe in our athletes. We’re confident they will perform at the highest level. They’re not there to participate but hopefully win medals for our country,” ani Tanhueco sa sesyon na inihandog ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT at 24/7 sports app, ArenaPlus.
Lulundag si Obiena sa qualification sa Agosto 3 habang tatakbo sina Hoffman at Cabang-Tolentino sa kanilang mga heats sa Agosto 4.
- Latest