MANILA, Philippines — Kagaya ng inaasahan, hinirang ng Zus Coffee si Thea Gagate bilang No. 1 overall pick ng kauna-unahang Premier Volleyball League (PVL) Rookie Draft kahapon sa Novotel sa Cubao, Quezon City.
Hindi na ikinagulat ng 6-foot-2 na si Gagate ang pagtawag sa kanyang pangalan ni PVL Commissioner Sherwin Malonzo na top selection ng Thunderbelles.
“Of course, I’m very grateful and honored na ako iyong first pick nila, and naa-appreciate nila iyong efforts ko as an athlete,” sabi ni Gagate. “I hope they trust me and I will do my best to help the team.”
Ang three-time UAAP Best Middle Blocker ay miyembro ng Alas Pilipinas na humataw ng makasaysayang bronze medal sa nakaraang 2024 AVC Challenge Cup noong Hunyo.
Nagtala ang Zus Coffee, dating Strong Group Athletics, ng 0-11 record sa nakaraang 2024 PVL All-Filipino Conference.
Pinili naman ng Capital1 Solar Energy si dating La Salle Lady Spikers middle blocker Leila Cruz bilang No. 2 overall pick.
Kinuha ng Galeries Tower si Julia Coronel bilang No. 3 pick kasunod sina No. 4 Maicah Larroza (Farm Fresh), No. 5 Lucille Almonte (Nxled), No. 6 Stephanie Bustrillo (Akari), No. 7 Ishie Lalongisip (Cignal HD), No. 8 Angge Alcantara (PLDT), No. 9 Karen Verdeflor (Chery Tiggo), No. 10 AA Adolfo (Petro Gazz), No. 11 Lorraine Pecana (Choco Mucho) at No. 12 Aleiah Torres (Creamline).