MANILA, Philippines — Kung hindi magbabago ang plano ng Zus Coffee ay si De La Salle University star at Alas Pilipinas member Thea Gagate ang kanilang hihirangin bilang No. 1 overall pick sa kauna-unahang Premier Volleyball League (PVL) Rookie Draft.
Nakatakda ang event ngayong gabi sa Novotel sa Cubao, Quezon City.
Ang 6-foot-2 na si Gagate, isang middle blocker ng Lady Spikers sa UAAP, ang napipintong kunin ng Thunderbelles, dating Strong Group Athletics, ni coach Jerry Yee.
“Thea Gagate is the consensus No. 1,” wika ni Yee na pipiliin din ang first pick ng second round sa PVL drafting. “We’re more focused on pick No. 13.”
Mula sa 50 aplikante ay 47 ang natira matapos ang deliberation at screening.
Sumalang ang mga aspirante sa two-day Draft Combine noong Hunyo 25-26 sa Gameville Ballpark sa Sheridan, Mandaluyong na nilahukan rin ng mga free agents.
Ang Capital1 Solar Energy ang kukuha sa No. 2 overall pick kasunod ang Galeries Tower (No. 3), Farm Fresh (No. 4), Nxled (No. 5), Akari (No. 6), Cignal (No. 7), PLDT (No. 8), Chery Tiggo (No. 9), Petro Gazz (No.10), Choco Mucho (No. 11) at reigning All-Filipino Conference champion Creamline (No.12).
Matapos naman ang Zus ay ang Capital1 ang pipili sa No. 14 pick sa second round habang hawak ng Galeries Tower at Farm Fresh ang No. 15 at 16 selections, ayon sa pagkakasunod.
Bukod kay Gagate, inaasahan ding pag-aagawan sina setter Julia Coronel, outside hitter Maicah Larroza at middle blocker Leila Cruz, opposite spiker Pierre Abellana at outside hitters Lucille Almonte at Ishie Lalongisip at veteran Iris Tolenada.
Si Coronel ay kasama ni Gagate sa La Salle at sa Alas Pilipinas na natalo sa Vietnam sa knockout quarterfinals ng 2024 FIVB Women’s Challenger Cup.