Gilas ginulat ang Latvia

Naglambitin sa ring si Gilas Pilipinas naturalized player Justin Brownlee matapos dakdakan ang isang player ng Latvia sa FIBA OQT.
fiba.com

MANILA, Philippines — Ginulantang ng Gilas Pilipinas ang buong mundo matapos sorpresahin ang world No. 6 Latvia sa bendisyon ng 89-80 panalo kahapon sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Riga, Latvia.

Gaya ng inaasahan, bumandera para sa Gilas Pilipinas si naturalized player Justin Brownlee na humataw ng 26 puntos kasama ang siyam na rebounds at siyam na assists.

Nagparamdam din ng lakas si Kai Sotto na buma­nat naman ng 18 markers at walong boards habang kumana si Dwight Ramos ng 12 points, pitong rebounds at apat na assists.

Balanse ang atake ng Gilas na kumuha rin ng 12 puntos, limang board at tatlong steals mula kay seven-time PBA MVP June Mar Fajardo at 10 points at apat na rebounds galing kay Chris Newsome.

Hindi makapaniwala si Gilas head coach Tim Cone sa panibagong kasaysayang ginawa ng kanyang bataan.

“I’m totally shocked sitting here in front of you. Anytime you can get into the international arena and have success, that’s a huge feather in the cap,” ani Cone.

Madaling-araw na ang bakbakan ng Gilas at Latvia. Subalit hindi ito ininda ng Pinoy fans na tumutok sa laban.

Sulit ang puyat ng buong sambayanan dahil binasag ng Gilas ang mahigit anim na dekadang pagkauhaw ng Pilipinas sa panalo laban sa isang European team.

Huling nanalo ang Pilipinas kontra sa European squad noong 1960 nang masungkit nito ang dikdikang 84-82 panalo kontra sa Spain sa Olympic Ga­mes na ginanap sa Rome, Italy.

“Our country is so passionate about basketball and for us to have success on the world stage means a lot to what’s going on back home. This is a huge, big step,” ani Cone.

Naitarak ni Brownlee ang four-point play para makuha ng Gilas ang 14 points lead, 85-71, may 3:29 pang nalalabi.

Show comments