MANILA, Philippines — Kung hindi magbabago ang desisyon ng Converge ay si Justine Baltazar ang kanilang tatanghaling No. 1 overall pick sa darating na Season 49 PBA Rookie Draft.
Sa pagkuha sa 6-foot-9 na si Baltazar ay magkakaroon ang FiberXers ng ‘twin towers’ kasama si 6’7 at 2023 Rookie of the Year Justin Arana.
Si Baltazar ay isang three-time member ng UAAP Mythical Team para sa La Salle Green Archers bago naglaro para sa Hiroshima Dragonflies sa Japan B.League.
Matapos ang kanyang maikling Japan stint ay umuwi siya sa Pinas at kumampanya para sa Pampanga Giant Lanterns sa MPBL kung saan siya nanalo ng korona at hinirang na Most Valuable Player.
Isinumite ng tubong Mabalacat, Pampanga ang kanyang mga papeles noong Miyerkules bago ang final submission ng application kahapon.
Matapos ang Converge, sunod na pipili sa PBA Draft na nakatakda sa Hulyo 14 sa Glorietta sa Makati City ang Blackwater (No. 2), Terrafirma (No. 3), Phoenix (No. 4), NorthPort (No. 5) at NLEX (No. 6).
Ang iba pang huhugot sa first round ay ang Rain or Shine (No. 7 at 8), Magnolia (No. 9), Ginebra (No. 10), Meralco (No. 11) at San Miguel (No. 12).
Isasalang muna ang mga aspirants sa isang two-day Combine sa Hulyo 10 at 11 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Ang iba pang aplikante ay sina Dave Ildefonso, Jerome Lastimosa, Ben Phillips, CJ Cansino, Evan Nelle, Francis Escandor, CJ Catapusan, Paul Garcia, Peter Alfaro, Fil-Am Caelan Tiongson, DJ Mitchell, Calvin Payawal, John Uduba, Jielo Razon at Brandon Ramirez.