MANILA, Philippines — Kumain ng alikabok ng Gilas Pilipinas Boys kontra sa Puerto Rico, 53-98, at matatapat sa mas malupit na USA sa 2024 FIBA U17 World Cup sa Sinan Erdem Dome sa Istanbul, Turkey.
Ang 45-point loss sa World No. 15 Puerto Rico ang ikatlong sunod na tambak ng Gilas Boys matapos tumaob sa World No. 7 Lithuania, 48-107, at World No. 2 Spain, 34-96, para sa 0-3 marka sa Group A.
Dahil sa kulelat na puwesto ay makakaharap ngayon ng Gilas Boys ang USA na namuno sa Group B matapos ang 3-0 kartada.
Mas mahirap na kalaban ang USA bilang reigning world champions at No. 1 team sa buong mundo.
Binugbog ng USA ang France, 104-81, Guinea, 124-49, at China, 146-62, kaya inaasahang ganito rin ang posibleng malasap ng Gilas Boys.
Sa kabalintunaan ay uminda ng 55.3-point losing margin average ang Gilas Boys para maging heavy underdog sa duwelo na siyang daan patungo sa quarterfinals ng world youth championships.
Ang Team USA din ang nagwagi ng lahat ng anim na edisyon ng World Cup.
Ranggong ika-25 sa mundo, nakapasok ulit sa World Cup ang Gilas Boys matapos ang semifinal finish sa FIBA U16 Asia Cup sa pangunguna ni Kieffer Alas na napasama pa sa All-Star Five.
Subalit hindi siya nakakalaro ngayon dahil sa natamong knee injury isang araw bago ang torneo na lalong nagpaliit sa tsansa ng Nationals sa kanilang pagbabalik sa World Cup simula noong 2019.