Alas Pilipinas nalagasan ng 3 players

Eya Laure

MANILA, Philippines — Posibleng hindi maglaro sina veterans Eya Laure at Jen Nierva at collegiate star Alyssa Solomon sa pagharap ng Alas Pilipinas sa Vietnam sa 2024 FIVB Women’s Volleyball Challenger Cup.

Hindi na umano nakikipag-ensayo sina Laure at Nierva sa national pool habang nagrerekober pa sa kanyang injury si Solomon.

Nakatutok na sina Laure at Nierva sa pre­pa­ras­yon ng Chery Tiggo para sa darating na Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Confe­rence ngayong buwan.

Si Solomon, kasama ang kanyang National University Lady Bulldogs teammate na si Bella Belen at si Creamline star Jema Galanza ang huling mga idinagdag sa Alas Pilipinas pool.

Matitira sa line-up ng Alas Pilipinas sina Galanza, Belen, Jia De Guzman, Angel Canino, Thea Gagate, Sisi Rondina, Fifi Sharma, Faith Nisperos, Vanie Gandler, Dawn Macandili-Catindig, Julia Coronel, Dell Palomata, Cherry Nunag at Arah Panique.

Haharapin ng mga Pinay spikers ang mga Vietnamese sa knockout match sa Biyernes ng alas-6:30 ng gabi matapos ang laro ng Czech Republic at Argentina sa alas-3 ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

“Vietnam is a much more experienced team than us, lalo na’t recently lang kami nabuo,” sabi ng veteran setter na si De Guzman.

Opisyal na magbubukas ang torneo sa Huwebes tampok ang laban ng Puerto Rico at Kenya at pagkikita ng Belgium at Sweden.

Ang apat na mananalo ang papasok sa knockout semifinals habang ang magwawagi sa final round ang maglalaro sa 2025 Volleyball Nations League (VNL).

Show comments