Eala lumapit sa Wimbledon main draw
MANILA, Philippines — Lumapit si Alex Eala sa inaasam na unang appearance sa Grand Slam event.
Ito ay matapos umabante sa final round ng qualifying tournament para sa prestihiyosong Wimbledon Championship na ginaganap sa London, England.
Nagawa ito ni Eala nang pataubin si dating world No. 22 at 2021 French Open semifinalist Tamara Zidansek ng Slovenia sa second round ng qualifying sa pamamagitan ng 1-6, 7-6, 6-3 come-from-behind win.
Masama ang panimula ni Eala matapos rumatsada ng husto ang Slovenian netter para mabilis na makuha ang first set.
Subalit hindi agad sumuko si Eala.
Nakipagsabayan ito sa second set kung saan walong match points ang naisalba nito para maipuwersa ang deciding third set.
Nadala ni Eala ang momento sa final frame upang makuha ang panalo sa loob ng dalawang oras at 33 minuto.
Nagtala si Eala ng kabuuang 38 errors kumpara sa 23 ni Zidansek.
Ngunit hindi ito naging hadlang para makuha nito ang panalo.
Makakaharap ni Eala sa final round ng qualifying si Lulu Sun ng New Zealand para sa tsansang makapasok sa main draw ng prestihiyosong Grand Slam event.
Kung papalaring makapasok sa Wimbledon, si Eala ang kauna-unahang Pinay netter na masisilayan sa aksyon sa knockout stage ng isang Grand Slam tournament.
- Latest