MANILA, Philippines — Nasungkit ni Asian champion Ernest John ‘EJ’ Obiena ang ikalawang sunod na gintong medalya nito matapos pagharian ang Memorial Czeslawa Cybulskiego sa Poznan, Poland.
Nagrehistro si Obiena ng 5.87m para masiguro ang unang puwesto.
Ito ang ikalawang panalo ni Obiena sa Poland matapos unang masikwat ang ginto sa Irena Szewinska Memorial na ginanap sa Bydgoszcz kung saan nagtala ito ng 5.97m.
Pumangalawa lamang si Piotr Lisek ng host Poland na nagsumite ng 5.82m, habang pumangatlo si Hussain Asim Al Hizam ng Saudi Arabia na may 5.62m na naitala.
“Back to back competitions in Poland was definitely a blast. 5.87m here in Memorial Cybulskiego for the gold with a bonus meeting and stadium record. Thank you Poznan for the great time,” ani Obiena sa kaniyang post sa social media.
Mainit ang simula ni Obiena na mabilis na nakuha ang 5.62m kasunod ang 5.77m at 5.87m.
Sinubukan ni Obiena na abutin ang 6.01m subalit bigo ito.
Sa kabuuan ay may tatlong gintong medalya na si Obiena sa outdoor.
Unang humirit ng ginto si Obiena sa Los Angeles Grand Prix noong Mayo.
Sunod na sasabak si Obiena sa Meeting de Paris leg na bahagi ng Diamond League na idaraos sa Hulyo 7.