MANILA, Philippines — Ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang pamamahala ng FIVB Volleyball Men’s World Championship 2025.
Kaya kinuha ng PNVF si two-time Olympic coach Angiolino Frigoni ng Italy para gabayan ang Alas Pilipinas Men.
Pinalitan ng 70-anyos na si Frigoni si Brazilian coach Sergio Veloso na ginawang bagong junior development director.
“He’s here to share with us his expertise and to bring our team and elevate their skills next year,” ani PNVF president Ramon ‘Tats’ Suzara sa Italian coach.
Inihatid ni Frigoni ang Italian U21 men’s national team sa World Championship crown noong 2021 at inaasahang matutulungan ang mga Pinoy spikers sa paghahanda sa world meet.
Bukod sa Pilipinas, ang host country ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championships, ang iba pang lalahok ay ang world champions Italy, Japan, USA, Brazil, Poland, Canada, France, Slovenia, Argentina, Cuba, Colombia, Iran, Qatar at iba pa.
Sa ilalim ni Veloso ay tumapos ang Alas Pilipinas Men sa 10th place sa nakaraang 2024 AVC Challenge Cup for Men.
Matapos ang Volleyball Nations League (VNL) Manila leg ay magsasagawa ang PNVF ng isang tryout sa US para sa mga Filipino-Americans na ipapasok sa senior at beach volleyball teams ng Alas Pilipinas.
Ilang Japanese club teams na ang kinakausap ng PNVF para makaharap ng Alas Pilipinas Men sa isang friendly match bilang paghahanda sa world championships