MANILA, Philippines — Karagdagang pondo para sa pagsabak ng mga Pinoy athletes sa darating na 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Ito ang direktiba ni President Ferdinand Marcos Jr. sa Office of the Executive Secretary para sa dagdag na budget ng Philippine Sports Commission (PSC) na gagamitin sa paghahanda at partisipasyon sa Paris Olympics.
“So, on top of all these efforts, I direct the Office of the Executive Secretary to release to the Philippine Sports Commission (additional) funds to help support the preparation and participation of our athletes in these upcoming Olympics,” sabi ng President sa isang send off ceremony sa Ayuntamiento de Manila sa Intramuros kamakalawa ng gabi.
Ang nasabing karagdagang pondo ay bukod pa sa naunang P52 milyong inilaan ng PSC para sa paghahanda at training ng mga atleta.
Ngayong taon lamang ay nasa P1.156 bilyon ang ibinigay na pondo ng gobyerno sa PSC.
Idinagdag ng Pangulo na patuloy ang gagawing rehabilitasyon ng pamahalaan sa mga major sports facilities katulad ng Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila at Philsports Complex sa Pasig City kung saan nag-eensayo ang mga national athletes.
Sa ngayon ay tinatapos na aniya ang National Academy of Sports System sa Tarlac at ang Philippine Sports Training Center sa Bataan.
Hinikayat ng Presidente ang sambayanan na suportahan ang mga Olympic-bound athletes.