MANILA, Philippines — Pinigilan ng Canada ang ratsada ng Germany sa Week 3 ng Men’s 2024 Volleyball Nations League (VNL) matapos kunin ang 25-19, 25-18, 25-21 panalo kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Itinaas ng mga Canadians, nauna nang tinalo ang mga Japanese, 25-21, 20-25, 25-15, 20-25, 15-10, noong Martes, sa 6-4 ang kanilang record papalapit sa asam na Final Eight spot.
“We have already qualified for the (2024 Paris) Olympics, we’re now trying everything to be in the final eight,” sabi ni coach Tuomas Sammelvuo.
Pumalo sina Stephen Timothy Maar at Arthur Szwarc ng tig-15 points habang may 11 markers si Eric Leoppky.
“Our team had pretty flawless volleyball. Germany fought the good fight at the end, but we handled it really well so I’m for the team,” wika ng 6-foot-8 outside hitter na si Maar.
Nadiskaril ang hangad na tatlong sunod na arangkada ng mga Germans para sa kanilang 4-6 marka at nakahugot kay Moritz Karlitzek ng 13 points mula sa 12 kills at isang service ace.
Humataw ang Canada ng 46 attacks kumpara sa 31 ng Germany at may walong blocks laban sa tatlo ng huli.
Nakatakdang labanan ng mga Canadians ang mga Brazilians ngayong alas-3 ng hapon, samantalang sasagupain ng mga Germans ang mga Americans bukas ng alas-11 ng umaga.
Samantala, pinatumba ng sibak nang Iran ang Netherlands, 25-22, 22-25, 25-21, 20-25, 15-10.
Ito ang ikalawang dikit na pananalasa ng mga Iranians para sa 2-8 baraha matapos gulatin ang mga Americans, 26-28, 25-23, 25-18, 26-28, 15-13, noong Miyerkules.
Sunod na haharapin ng Iran ang France ngayong alas-11 ng tanghali.