Pinoy tracksters hataw pa ng 2 golds sa Thailand

MANILA, Philippines — Tuloy ang ratsada ng national athletics team matapos kumana ng dalawa pang gintong medalya sa Thailand Open Track and Field Championships na ginaganap sa Pathum Thani, Thailand.

Nagparamdam ng lakas sina Frederick Ramirez at Bernalyn Bejoy nang makasiguro ang mga ito ng tig-isang gintong medalya sa kani-kanyang paboritong events.

Unang nagpasikat si Ramirez nang mamayagpag ito sa men’s 400m kung saan nakapagrehistro ito ng 46.58 segundo.

Nasiguro naman ng isa pang Pinoy na si Michael Del Prado ang 1-2 punch para sa Pilipinas nang angkinin nito ang pilak na medalya bunsod ng naitala nitong 46.82 segundo.

Nagkasya naman sa tanso si Muhammad Ramdhan ng Indonesia na may nilistang 47.43 segundo.

Hindi naman nagpakabog si Bejoy na uuwing may bitbit na gintong medalya makaraang pagreynahan nito ang women’s 800m event.

Kumana si Bejoy ng dalawang minuto at 13.31 segundo para ilampaso sina Thailand bets Ruedee Netthai na may 2:17.30 para sa pilak at Chanapa Boonitsarasaree na may 2:18.24 para sa tanso.

Sa kabuuan, may tatlong gintong medalya na ang Team Philippines sa naturang event.

Unang pumitas ng ginto si Janry Ubas sa men’s long jump sa second day ng kumpetisyon bunsod ng naitala nitong 7.51 metro.

Tinalo ni Ubas si Wen Hua-Yu ng Chinese-Taipei na may 7.41m at Wong Pak Hang ng Hong Kong na may 7.37m.

Nakasiguro rin si Leonard Grospe ng pilak na medalya sa men’s high jump kung saan nagtala ito ng bagong national record na 2.21 metro.

Show comments