MANILA, Philippines — Ito na ang panahon para kumuha ang Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) ng mga bagong talento mula sa grassroots at collegiate leagues.
Sinabi kahapon ni athletics icon Elma Muros-Posadas na dapat ay bigyan ng PATAFA ng halaga ang mga homegrown athletes at huwag sayangin ang talento ng mga batang produkto ng mga tunay na grassroots sports program sa bansa.
“Ang daming talent mula sa grassroots, sa NCAA, sa UAAP, ang hindi tinatanggap sa national pool. Tapos iyong mga matatanda na wala namang naipapanalo hanggang ngayon, iyon ang pinapaboran,” wika ng two-time Olympian sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ sa PSC Conference Room sa Malate, Manila.
“Pinaiiral ang ‘bata-bata’ system. Dapat kung hindi makapanalo sa SEA Games out na sana. Ang daming mahuhusay na mga bata diyan,” dagdag pa ni Muros-Posadas.
Kasama niyang dumalo sa programa ang asawa at coaching partner sa Jose Rizal University na si Jojo Posadas at sina Olympic taekwondo bronze medalist at St. Benilde Sports Director Stephen Fernandez, Esports World Federation president Arniel Gutierrez at Cybercraft Philippines president Ranulf Goss.
“May napo-produced tayong talent, pero hindi naman isinasama sa national team. Kaya every SEA Games, walang ibang mailaban kundi Fil-Am. Malalakas naman talaga sila sa abroad na-train ang mga iyan, pero iyong homegrown hindi talaga lalakas kung hindi tutulungan sa national team,” ani Posadas sa sesyong itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat.
Sa ilalim ng mag-asawang Posadas ay nakamit ng JRU ang NCAA ‘three-peat’ sa athletics event.
Nanguna sa JRU si NCAA record-breaker Frederick Ramirez na binura ang dating markang 48.03 segundo sa men’s 400m para sa bago niyang record na 46.95 segundo.
Naglista rin si Ramirez ng bagong NCAA record na 21.43 segundo sa 200m para ibasura ang lumang markang 21.93 segundo.