Philippine boxing team magsasanay sa Metz
MANILA, Philippines — Bibiyahe ang national boxing team sa Hunyo 22 patungong Metz, France para sa isang month-long training camp bilang preparasyon sa 2024 Olympic Games sa Paris, France.
Sa nasabing training facilities din dadalhin ng Philippine Olympic Committee (POC) ang iba pang Olympic-bound athletes.
Mag-eensayo sa training center sa Metz sina national boxers 2021 Tokyo Olympics silver medalists Nesthy Petecio (57 kg) at Carlo Paalam (57 kg) at bronze medalist Eumir Marcial (80).
Makakasama nila sina Olympics by qualifiers Aira Villegas (50 kg) at Hergie Bacyadan (75 kg).
Matapos ito ay didiretso ang koponan sa Germany sa Agosto 1 para sa isa na namang training camp kung saan nila makakasama ang iba pang boxers mula sa ibang bansa na sasabak sa Paris Olympics.
“Iba na iyong level ng mga boxers ngayon. Kung may pinakamaliit pa na butas ng karayom na pagdadaanan ko, mas maliit pa iyong daan na gagawin ko dito,” sabi ng 32-anyos na si Petecio.
Hangad nina Petecio, Paalam, Marcial, Villegas at Bacyadan na maduplika ang pagbuhat ni weightlifter Hidilyn Diaz sa kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa sa Tokyo Games.
Bukod sa mga silver medal nina Petecio, Paalam, Mansueto ‘Onyok’ Velasco Jr. (1996 Atlanta) at Anthony Villanueva (1964 Tokyo) ay wala pang Pinoy boxer na nakasuntok ng Olympic gold.
Nakatakda ang Paris Olympics sa Hulyo 26 hanggang Agosto 11.
- Latest