Pinoy pugs handang sumuntok ng medalya sa Paris
MANILA, Philippines — Limang Pinoy boxers ang nagkwalipika para sa 2024 Paris Games.
Para sa Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP), ito ang pinakamalakas na lineup na ipadadala ng Pilipinas sa Olympics.
Naniniwala ang coaching staff na kaya ng tropa na mapantayan o malampasan ang dalawang pilak at isang tansong medalya na nakamit nito sa Tokyo Olympics.
“Itong five na nag-qualify, we feel has a very good chance to podium and to go all the way,” ani ABAP secretary general Marcus Jarwin Manalo sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.
Ipaparada ng Pilipinas sina Tokyo Olympics silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam, at bronze winner Eumir Marcial kasama sina Aira Villegas at Hergie Bacyadan.
“We’re very optimistic that this is really a strong five that we’re bringing (to the Paris Olympics),” ani Manalo.
Tiwala si Manalo na kayang-kaya nina two-time Olympians Petecio (57 kg), Paalam (57 kg) at Marcial (80 kg) at first timers Aira Villegas (50 kg) at Hergie Bacyadan (75 kg) na maibigay angunang gintong medalya ng Pilipinas sa boxing.
Hindi nagbigay ng prediksiyon ang ABAP subalit tiniyak nitong handang-handa ang Pinoy pugs sa labang haharapin nito.
“Alam kong hindi ganun kadali ngayon yung pag-dadaanan ko sa Paris especially iba siya sa Tokyo. Kasi sa Tokyo wala siyang exposure halos, walang laro, walang multi-training na ginawa. Ngayon open na. So hindi basta-basta gaya ng iniisip ng iba,” ani Petecio.
- Latest