Meralco bumawi sa San Miguel
MANILA, Philippines — Natuto na ng leksyon ang Meralco.
Bumalikwas ang Bolts mula sa kabiguan para resbakan ang San Miguel Beermen, 93-89, sa Game Three ng Season 48 PBA Philippine Cup Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Isinalpak ni Chris Newsome ang krusyal na three-point shot sa huling 34.1 segundo para sa 2-1 leadf ng Meralco sa kanilang best-of-seven championship series ng San Miguel.
Nakatakda ang krusyal na Game Four sa Miyerkules sa Big Dome.
Nauna nang naagaw ng Beermen ang 95-94 panalo sa Game Two kung saan sinayang ng Bolts ang hawak na four-point lead sa natitirang 25 segundo.
Ilang beses namang nagpalitan ng bentahe ang dalawang koponan sa third period ng Game Three kung saan kinuha ng Sa Miguel ang 66-59 kalamangan sa 4:37 minuto nito.
Ngunit isang 12-4 atake ang pinakawalan ng Meralco para agawin ang 71-70 abante sa pagsasara nito.
Muling napasakamay ng Beermen ang 89-88 kalamangan mula sa dalawang free throws ni seven-time PBA MVP June Mar Fajardo sa huling 51.9 segundo ng fourth quarter.
Ipinasok ni Newsome ang mahalagang triple na nagbigay sa Bolts ng 91-89 abante sa nalalabing 34.1 segundo.
Ang mintis na salaksak ni CJ Perez sa posesyon ng SMB ang nagresulta sa dalawang foul shots ni Newsome sa natitirang 11.3 segundo para itaas ang Meralco sa 93-89.
Tumapos si Newsome na may 26 points, 4 rebounds at 4 assists para banderahan ang Bolts, habang may 17, 16 at tig-10 markers sina Raymond Almazan, Bong Quinto, Cliff Hodge at Chris Banchero, ayon sa pagkakasunod.
- Latest