Lady Baby Falcons winalis ang Thunderbolts para sa GVIL gold

Ang pagdiriwang ng Adamson Lady Baby Falcons matapos magreyna sa 2024 Shakeys GVIL.
STRA/ File

MANILA, Philippines — Nag-iwan ng magandang alaala si UAAP Season 86 MVP Shaina Nitura sa kanyang huling laro bilang Lady Baby Falcons.

Ito ay matapos akbayan ang Adamson University sa 25-20, 25-5, 25-22 panalo kontra sa Bacolod Tay Tung sa kanilang ‘winner-take-all’ gold medal match ng 2024 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League kahapon sa Adamson University Gym main court.

Pangalawang korona ang nasungkit ng Lady Baby Falcons na ang una ay ang UAAP Season 86.

Kumana si Nitura ng 10 points kasama ang walong attacks at dalawang service aces para sa Adamson na dinurog ang Bacolod Tay Tung sa second set matapos ilista ang 25-5 panalo.

“Masaya ako kasi nailabas nila iyong talagang laro nila. Kailangan pukpu­kin lang siguro sila para lumabas. Kailangan lang talaga mag-usap sila sa loob ng court,” sabi ni Lady Baby Tamaraws coach Joanne Bunag.

Samantala, ibinuhos naman ng Kings’ Montessori School ang kanilang lakas upang pagpagin ang National University-Nazareth School, 25-18, 24-26, 25-23, 25-22, at sungkitin ang bronze medal.

Nagtala si gradua­ting veteran Shekaina Lleses ng 28 points mula sa 25 attacks at tatlong service aces para sa Kings’ Montessori.

Lumanding ang NUNS sa fourth place sa inaugural edition na inorganisa  Athletic Events and Sports Management, Inc. at isina­ere via livestream sa Smart Sports at Puso Pilipinas, Aliw 23 (free TV) at Solar Sports.

Show comments