Alas Pilipinas tumukod sa China
MANILA, Philippines — Pinahirapan muna ng World No. 57 Alas Pilipinas ang No. 31 China bago isuko ang laban, 19-25, 22-25, 22-25, sa pagsisimula ng 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Challenge Cup for Men kahapon sa Isa Town, Bahrain.
Humataw sina Joshua Umandal at Leo Ordiales ng tig-10 points at may walong marka si Marck Espejo para pamunuan ang mga Pinoy spikers sa kabiguan nila sa mga Chinese sa Pool A.
Bagama’t bigo ay ipinagmalaki pa rin ni Brazilian coach Sergio Veloso ang Alas Pilipinas.
“We have three young players on the court and the guys played very well. The score is not the same when you look at it 3-0 but the fight is good,” ani Veloso sa interview ng Bahrain Volleyball.
Hirap na hirap ang China na makuha ang panalo sa Alas Pilipinas na hangad maduplika ang makasaysayang bronze medal finish ng mga Pinay spikers sa nakaraang AVC Challenge Cup for Women na idinaos sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.
Sunod na lalabanan ng mga Pinoy hitters ang tournament host Bahrain ngayong alas-12 ng tanghali sa layuning buhayin ang pag-asa sa crossover quarterfinal.
Kung muling matatalo ang koponan ay babagsak sila sa labanan sa 9th hanggang 12th place sa classification phase.
- Latest