Biado hari ng CPBA 9-Ball tourney

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni former World 9-Ball champion Carlo Biado ang muling pag uwi ng karangalan sa Pilipinas matapos angkinin ang korona sa katatapos na 2024 CPBA 9-Ball Teams Invitational Tournament na nilaro sa New Taipei City, Taiwan.

Kasama ng 40-anyos na si Biado sina Johann Chua, James Arañas, Jeffrey Ignacio at Bernie Regalario para payukuin ang mga pambato ng Chinese Taipei na sina Ko Ping Chung, Chang Jung Lin, Chang Yu Lung at Wu Kun Lin at Ko Pin Yi

Mahigpit ang naging bakbakan nina Biado at Lin kung saan ay umabot sa hill hill game bago nakuha ng Pinoy ang panalo, (7-6)

Nakalamang agad ng apat na racks si Biado bago nakasagot ng panalo si Lin, 4-1.

Nasikwat ni Biado ang sixth frame pero sumargo ng tatlong sunod na panalo si Lin para tapyasin sa isa ang hinahabol, 5-4.

Nauna sa puruhan si Biado, 6-4 pero naitabla ito ni Lin sa 6-6 bago tuluyan nakuha ng Pinoy ang panalo.

Pinagpag rin ni Ignacio si Lung sa singles, habang yumuko sina Chua at Ara­nas sa doubles laban kina P.Y. Ko at P.C. Ko, (2-7).

Natalo rin si Regalario kay Wu Kun Lin pero sa bandang huli ay ang pambato ng Pilipinas ang nag-uwi ng korona.

Show comments