MANILA, Philippines — Hindi sapat ang kanilang pagpasok sa Season 48 PBA Philippine Cup Finals sa pang-limang pagkakataon.
Ayon kay coach Luigi Trillo, mas prayoridad nila ang makamit ang kauna-unahang kampeonato na naging mailap sa Bolts sa apat na finals appearances laban sa Ginebra Gin Kings.
“We are not happy just to be in the Finals,” wika ni Trillo. “We’re not happy that we just made it. It’s not gonna mean anything unless we go all the way.”
Sasagupain ng Meralco ang bigating San Miguel sa best-of-seven championship series na magsisimula sa Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Kinailangang bumangon ang Bolts mula sa 2-3 pagkakaiwan sa Gin Kings sa kanilang semifinals showdown para magmartsa sa PBA Finals.
Isang simpleng mensahe lang ang ibinigay ni MVP Group chairman Manny V. Pangilinan nang mabaon ang Meralco sa nasabing serye.
“We had a meeting with MVP when we were down 3-2. He told us to believe,” ani Fil-Italian guard Chris Banchero sa sinabi sa kanila ng chairman Emeritus ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Ang paglusot sa Gin Kings ang babaunin ng Bolts sa pagharap sa Beermen na maglalaro sa pang-44 finals stint target ang ika-30 korona.
“That’s an amazing accomplishment. But still, we didn’t go to this conference for that accomplishment. Our accomplishment is to try to win it all,” ani Banchero.
Ang Meralco ang dumungis sa 10-0 record ng San Miguel sa elimination round ng torneo mula sa 87-80 panalo.
Kinumpleto ng SMB ang 4-0 sweep sa Rain or Shine sa kanilang semis duel.