Mojdeh sisisid ng ginto sa ASG
MANILA, Philippines — Sisimulan ni Brent International School-Manila standout Micaela Jasmine Mojdeh ang ratsada nito ngayong araw sa 13th ASEAN Schools Games na ginaganap sa Da Nang, Vietnam.
Masisilayan si Mojdeh sa dalawang events sa opening day — sa finals ng 400m Individual Medley at sa preliminary round ng 100m butterfly.
Target ni Mojdeh na masikwat ang unang dalawang gintong medalya ng Team Philippines sa naturang torneo.
Hangad ng Filipino-Iranian na malampasan ang kanyang dalawang tansong medalyang nasikwat noong 2019 edisyon sa Semarang, Indonesia.
Nagsilbing flag bearer si Mojdeh ng Team Philippines sa opening ceremony noong Sabado kung saan iwinagayway nito ang bandila ng Pilipinas kasama ang mahigit 160 kabataang atletang Pinoy.
“Being chosen as the flag bearer is an honor I won’t forget. But this time, I’m not just carrying a symbol – I’m chasing a dream. I’m back in my second Asean Schools Games, stronger, and determined to bring home the medal that will make our nation proud,” ani Mojdeh na bukod-tanging babaeng flag bearer sa parade of nations.
Maliban sa 400m Individual Medley at 100m butterfly, masisislayan din sa aksyon si Mojdeh sa 200m butterfly at 200m Individual Medley. Kasama rin ito sa 4x100m freestyle relay.
Malalim na ang karanasan ni Mojdeh na semifinalist sa 2021 World Junior Championship na ginanap sa Lima, Peru.
“I’m really excited to compete this time. I really prepared hard for this for months now and I’m looking forward to get better results,” ani Mojdeh.
Hahataw din sa girls’ division sina Kyla Bulaga, Shania Baraquiel, Krystal David, Catherine Cruz, Riannah Coleman, Clara Delos Santos, Trixie Ortiguerra, Daryn Santamaria, Patricia Santor, Renavive Subida, Maxene Uy, Ishaelle Villa at Ashley Wong.
- Latest