MANILA, Philippines — Nakabalik sa porma si Paris Olympics-bound Ernest John Obiena nang lundagin nito ang pilak na medalya sa 2024 Bislett Games sa Oslo, Norway.
Nagtala si Obiena ng 5.72 metro para masiguro ang ikalawang puwesto sa men’s pole vault event.
Napasakamay ni KC Lightfoot ng Amerika ang ginto tangan ang 5.82 metro.
Kasosyo ni Obiena sa ikalawang posisyon si Emmanouil Karalis ng Greece na may parehong 5.72 metro na nakuha.
Hindi naging madali ang lahat para kay Obiena.
Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling nasira ang pole nito.
Ipinakita ni Obiena ang lahat sa kanyang social media.
Nagpasalamat naman si Obiena sa mga tumulong sa kaniya.
Pinahiram si Obiena ng pole nina Lightfoot at Menno Vloon ng Netherlands upang maipagpatuloy nito ang kanyang kampanya.
Naghahanap na si Obiena ng kapalit na pole para sa susunod na torneong lalahukan nito sa Stockholm, Sweden na bahagi pa rin ng Diamond League.
Makakalaban ni Obiena sa Stockholm si world record holder at world champion Mondo Duplantis ng Sweden na desididong wasakin ang world record sa harap ng kanyang kababayan.